Humingi na ng tawad sa kaniyang complainant at sa publiko ang lasing na pulis na inaresto matapos umanong manutok ng baril sa mga sakay ng isang van sa gasolinahan sa Pasig City.

Ngayong umaga, hinarap sa NAPOLCOM ang naturang pulis na may ranggong Police Staff Sergeant.

Sa kaniyang paghingi ng paumanhin, inamin nitong nagkamali siya at hiniling na mapatawad sa kaniyang ginawa.

Nanawagan din siya sa kaniyang mga kapwa-pulis na huwag siyang tularan.

Ipinaliwanag naman ng suspek na nagkaroon sila ng pagtatalo ng kaniyang misis dahil sa problema sa pamilya, at sinundan niya ito nang umalis sa kanilang bahay.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa pulis, hindi niya umano namalayan na nawawalan na siya ng kontrol sa kaniyang sarili bago nangyari ang insidente.

Una nang kinumpirma ni Pasig City Police Chief Police Colonel Wilson Delos Santos na hindi naka-duty ang suspek nang mangyari ang insidente at nakainom ito ng alak.

Maaari namang maharap sa pagkakatanggal sa serbisyo ang pulis dahil sa ginawa.