
Hinimok ni Batangas 1st District Representative Leandro Leviste ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) na siyasatin ang mga transaksyong pinansyal ng mga proponent at kontratista ng mga proyektong may tinawag niyang “intriguing” na mga tag sa tinaguriang Cabral files kaugnay ng 2025 budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sa isang press conference nitong Miyerkules, sinabi ni Leviste na dapat buksan ng AMLC ang mga rekord ng transaksyon ng mga proponent at mga kontratistang nanalo sa mga naturang proyekto sa buong bansa upang matukoy kung mayroong anomalya.
Ibinahagi rin ni Leviste ang karagdagang detalye tungkol sa Cabral files ng 2025 DPWH National Expenditure Program (NEP), na umano’y naglalaman ng P401 bilyong “allocable” budget, P14 bilyon na mga proyektong may tag na “BIP” na iniuugnay sa mga party-list, at P20 bilyon na may tag na “Senators.” Kabilang pa umano sa mga tag na may bilyun-bilyong pondo ang “Bini10,” “Centi 2025,” “F1,” “N1 Prio I,” “Non Allocable,” “OP ES SAP,” “OT2,” “Sandy,” at “SMB/Others.”
Nilinaw ni Leviste na wala siyang nakikitang tahasang anomalya sa mga nasabing proyekto, ngunit aniya, nakapupukaw ng interes na may mahigit P500 bilyong halaga ng mga proyekto sa DPWH-NEP na may malinaw na mga proponent, na maaari umanong magsilbing batayan para sa mas malalim na imbestigasyon sa posibleng ugnayan ng mga ito sa mga kontratistang kalauna’y ginawaran ng proyekto.
Inilabas din ng mambabatas ang listahan ng mga top contractor para sa mga proyektong may mga tag gaya ng OP (ES/SAP), F1, BINI10, OT2, LEADERSHIP at CENTI 2025 sa 2025 NEP Cabral files, pati na rin ang mga proyektong pinondohan sa ilalim ng Unprogrammed Appropriations mula 2023 hanggang 2024. Kabilang umano sa mga listahan ang Sunwest Inc.










