
Kinumpirma ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na humiling ng pulong si Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste upang humingi ng payo kung paano haharapin ang umano’y mga dokumento o “Cabral files” na ibinahagi sa kanya ng yumaong Department of Public Works and Highways (DPWH) Usec. Catalina Cabral.
Ayon kay Lacson, hindi natuloy ang kanilang meeting dahil abala siya noon sa mga usapin ng Blue Ribbon Committee, kabilang ang mga kaso nina Bernardo at Cabral, gayundin sa pagtalakay ng pambansang badyet.
Dagdag niya, napagkasunduan nilang mag-iskedyul muli matapos ang Bagong Taon.
Nauna nang ibinahagi ni Leviste sa social media ang mga dokumentong umano’y naglalaman ng buod ng alokasyon ng DPWH kada distrito, lalawigan, at rehiyon mula 2023 hanggang 2026.
Gayunman, nagpahayag ng pagdududa ang Malacañang sa mga dokumento at sinabing wala itong “probative value,” habang iginiit ni Leviste na ang mga ito ay “authentic.”
Samantala, sinabi ni DPWH Secretary Vince Dizon na hindi pa niya nabeberipika o naa-authenticate ang mga dokumentong hawak ng mambabatas.










