
Inihayag ng lokal na pamahalaan ng Enrile, Cagayan na isinumite na nila sa Independent Commission on Infrastructure (ICI) ang mga natuklasang walong alleged ghost flood control projects para sa masusing imbestigasyon.
Ayon kay Mayor Miguel Decena, ang mga proyekto ay may malayong percentage of completion kumpara sa aktwal na nagawa, at may mga bahagi ng proyekto na hindi pa nasisimulan o hindi natapos, bagamat may pondo na ang mga ito.
Aniya, tatlo mula sa walong proyekto ang hindi makita sa aktwal, matapos silang magsagawa ng drone survey upang masuri ang kalagayan ng mga ito.
Kabilang sa mga ito ang mga proyekto sa mga barangay ng Maddarulug Norte, Pata, at Alibago.
Bukod dito, paiimbestigahan din ang diversion road mula Alibago hanggang Gosi, na ayon sa mga ulat ay tapos na noong Enero 2023, ngunit sa aktwal na inspeksyon, ito ay patuloy pa ring ginagawa.
Isasama rin sa paiimbestigahan ang mga school buildings sa tatlong paaralan sa bayan ng Enrile kabilang ang Technical Vocational High School, Lemu National High School, at Alibago Elementary School.
Ayon kay Decena, magpapatuloy ang validation ng mga proyekto sa pamamagitan ng ICI at DPWH (Department of Public Works and Highways) central office upang matukoy ang mga posibleng anomalya at tiyakin ang transparency sa paggamit ng pondo publiko.