TUGUEGARAO CITY-Pansamanatang isinara ng Local Government Unit (LGU)-Enrile ang kanilang munisipyo dahil siyam sa kanilang mga empleyado ay nagpositibo sa covid-19.
Ayon kay Enrile Mayor Miguel Decena, simula kahapon, araw ng Lunes ay hindi na pumasok ang mga empleyado ng munisipyo para bigyang daan ang contact tracing at dis-infection.
Aniya, isinailalim din sa swab test ang nasa 40 hanggang 50 empleyado para matiyak na hindi sila nahawaan ng nakamamatay na sakit.
Maging si Mayor Decena ay una naring sumailalim sa swab test kung saan batay sa resulta nito, siya ay negatibo ngunit kasalukuyan pa rin siyang naka-quarantine.
Sa kabila nito, naka “work from home” ang iba nilang empleyado para matiyak na magtutuloy-tuloy pa rin ang iba pang importanteng trabaho ng LGU.
Inaprubahan na rin ng Regional Inter-agency task force (RIAT)ang naging kahilingan ni Decena na isailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine ang nasasakupang bayan.
Samantala, hiniling din ng alkalde sa pamunuan ng Cagayan Valley medical Center na makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan kung may papauwiin na pasyente para sila ang magsusundo at para hindi agad dederetyo sa kanilang tahanan.
Pahayag ito ni Decena nang pauwiin umano ng CVMC ang isang pasyente na hindi ipinagbigay alam sa kanilang opisina kung saan ito ang hinihinalang pinagmulan ng local transmission sa kanilang lugar.