Inanunsyo ng Vatican na gaganapin ang libing ni Pope Francis sa Sabado, Abril 26, sa ganap na alas-10 ng umaga sa St. Peter’s Basilica.

Magugunitang pumanaw si Pope Francis noong Lunes sa edad na 88, matapos ma-stroke at atakin sa puso.

Samantala magpupulong ang mga kardinal ngayong Martes, Abril 22, upang maghanda para sa pag-halal ng bagong Papa sa loob ng tatlong linggo.

Nagdeklara naman ang Argentina, kung saan nagmula ang Santo Papa ng isang linggong ‘national mourning’, gayundin ang India na nagtakda ng tatlong araw ng ‘national mourning.’

Ina-asahan ang mga pinuno ng ibat-ibang bansa at mga miyembro ng royal family sa libing ni Pope Francis sa St. Peter’s Basilica. Una nang inaunsyo ni US President Donald Trump na dadalo ito.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa mga alituntunin ng Simbahang Katolika, ang libing ni Pope Francis ay magaganap sa pagitan ng Biyernes at Linggo, tatlo hanggang anim na araw mula sa kanyang pagpanaw.

Ang katawan ng Santo Papa ay ililipat mula sa Santa Marta chapel patungong St. Peter’s Basilica sa Miyerkules, Abril 23, upang maipagkaloob sa mga deboto ang pagkakataon na magbigay galang.

Nakasaad sa kanyang huling habilin na siya ay ililibing sa Santa Maria Maggiore basilica sa Roma, isang kasaysayan dahil may isang Santo Papa na inilibing sa labas ng Vatican.

Si Pope Francis, o sa tunay na buhay Jorge Bergoglio, ay naging unang Papa mula sa Latin American at unang Jesuit na naging lider ng Simbahang Katolika. Sa loob ng 12 taon ng kanyang papacy, naging tagapagtaguyod ito para sa mga mahihirap, mga migrants, at sa kalikasan. Gayundin, nakilala siya sa kanyang mga hakbangin upang repormahin ang pamamahala ng Vatican at ang pagtutok sa mga isyu ng katarungang panlipunan at mga biktima ng sekswal na pang-aabuso sa loob ng simbahan.