CTTO

TUGUEGARAO CITY-Hiniling ng Philippine Farmers Advisory Board sa gobyerno na i- subsidize ang cost ng abono at iba pang kemikal na pangunahing pangangailangan ng mga magsasaka sa kanilang pagtatanim.

Ito’y para magkaroon nang kita ang mga magsasaka matapos bumaba ang presyo ng palay dahil sa umano’y Rice Tarrification Law.

Ayon kay Edwin Paraluman, National Chairman ng Philippine Farmers Advisory Board, malaking pondo ang inilalaan ng mga magsasaka sa post-harvest facilities kung kaya’t malaking tulong kung gagawing libre ang abono.

Aniya , luging-lugi na ang mga magsasaka sa bansa dahil hindi pa panahon ng anihan ay napakababa na ang pagbili ng kanilang aning palay.

Inihalintulad pa ni Paraluman ang bansang Indonesia na sagot ng kanilang gobyerno ang abono at ibang fertilizer ng mga magsasaka, na malaking tulong sa mga ito.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Paraluman na batay sa survey ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang cost of production sa pagproduce ng isang kilo ng palay ay P12.50 habang naibebenta lang sa P11 hanggang P12 ang kada kilo ng aning palay.

Aniya, pagpapakita ito na wala nang kinikita ang mga magsasaka kung kaya’t nangangailangan sila ng agarang tulong para hindi tuluyang tumigil sa pagtatanim ang mga magsasaka.

Tinig ni Edwin Paraluman