Wala nang atrasan ang Kamara sa pagtalakay sa panukalang batas na magbabawal at magbibigay ng kahulugan sa mga political dynasty.

Sa kanyang mensahe sa muling pagbubukas ng sesyon ngayong araw, sinabi ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III na hindi na uurungan ang mahirap na usapin ng Anti-Political Dynasty Bill na sensitibo at personal para sa ilang kasamahan.

Aminado rin si Dy na maging ang kanyang sariling pamilya ay apektado ng panukalang batas.

Ngunit kung seryoso aniya ang Kamara sa reporma at pagbibigay ng patas na pagkakataon para sa lahat, dapat ay magkaroon ng tapang, katapatan at sinseridad sa gagawing diskusyon.

Bukas ay sisimulan na ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms ang pagtalakay sa Anti-Political Dynasty, kabilang na ang inihain mismo ni Speaker Dy.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, kasabay nito ay umapela si Dy sa bawat kongresista na isantabi na ang pamumulitika at yakapin ang pagbubuklod-buklod bilang mga tapat na lingkod-bayan.

Dapat umanong ilaan ang lakas, oras at kakayahan ng mga mambabatas sa pagpapaangat ng serbisyo at pagpasa ng mga batas na hindi lamang maganda sa papel kundi tunay na mararamdaman.