Huli ang limang kawani Land Transportation Office (LTO) Region 2 isang entrapment operation matapos maaktohan na tumatanggap ng pera kapalit ng umano’y “lagay” para sa paglalabas ng isang impounded na sasakyan.
Sa report ng Police Regional Office 2, isinagawa ang operasyon dakong alas-6:00 ng gabi noong Setyembre 1, 2025, sa bayan ng Bambang, Nueva Vizcaya.
Ang nasabing hakbang ay bunga ng sunud-sunod na reklamo laban sa ilang kawani ng LTO kaugnay ng umano’y pangingikil at pagsasamantala sa mga motorista na kanilang hinuhuli.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas Ben, 36, binata, residente ng Makati City; alyas Josh, 29, may asawa, taga-Caloocan City; alyas Manuel, 35, binata, residente ng Quezon City; alyas Fer, 39, may asawa, taga La Union at itinuturing na Team Leader; at alyas Mab, 42, may asawa, at residente ng Tuguegarao City, Cagayan.
Nag-ugat ang operasyon mula sa reklamo ng ilang motorista na dumulog sa Nueva Vizcaya Police Provincial Office (NVPPO).
Ayon sa kanilang mga sinumpaang salaysay, humihingi umano ang grupo ng halagang P200,000.00 kapalit ng pagbibigay ng isang impounded van, kung saan P25,000.00 ang hinihingi umano na paunang bayad.
Lumabas pa na may umiiral umanong buwanang “lagayan” kung saan sinisingil ang complainants na nagkakahalaga ng P1,000.00 kada unit at P2,000.00 kada van na may green plate kapalit ng umano’y “proteksyon” at di paggalaw sa kanilang operasyon.
Bilang tugon sa reklamo, ikinasa ng Bambang Police Station ang entrapment operation katuwang ang Nueva Vizcaya Provincial Intelligence Unit at sa pakikipag-ugnayan sa DOTr-CAR.
Dakong alas-6:00 kagabi, dumating ang mga suspek lulan ng Nissan Navara sa napagkasunduang lugar.
Nang matanggap ng isa sa kanila ang marked money, agad isinagawa ang paghuli sa mga suspek.
Narekober ng mga kapulisan mula sa limang suspek ang sumusunod na mga ebidensya:
- Isang cal. .45 pistol na may pitong (7) bala;
- Isang Glock 19 (9mm) na may tatlong (3) magazine at tatlongpu’t isang (31) bala;
- Isang .45 Armscor pistol na may limang (5) bala;
- Isang LTO badge at inside holster;
- Mga citation ticket;
- Driver’s license at photocopy ng official receipt;
- Isang sling bag na naglalaman ng mga ID, resibo, at pitaka;
- Pitong Touchscreen Cellphone;
- Iba’t ibang identification cards;
- ₱ 96,500 cash na may iba’t ibang denominasyon;
- Marked money at boodle money;
- Isang plastic sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang 0.69 ang gramo; at
- Dalawang (2) improvised pipe tubes at dalawang (2) disposable lighter
Nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa RA 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act; Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees; at RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.