
Nagbalik-loob ang limang miyembro umano ng New People’s Army at 10 militiang bayan kahapon sa bayan ng Baggao, Cagayan.
Ang pagbabalik-loob ay bunga ng pagsisikap ng Baggao PNP sa pangunguna ni PLtCol Noriel Lacangan, Regional Intelligence Unit 2, Provincial Intelligence Team Cagayan; Provincial Intelligence Team Isabela; 204th Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion 2 at 1st Cagayan Provincial Mobile Force Company.
Kasama sa limang nagbalik-loob ay ang isa umanong dating commander ng grupo at isang dating medical officer, na mga residente ng nasabing bayan.
Ang militiang bayan naman ay binubuo ng anim na lalaki at apat na babae, pawang mga residente rin ng Baggao.
Isinuko rin ng mga ito ang dalawang 12-gauge improvised shotgun, dalawang homemade 5.56-caliber rifle, dalawang grenade rifles, at walong piraso ng bala para sa 12-gauge shotgun.
Ayon kay PCOL Mardito Anguluan, director ng PNP Cagayan, nagpasya umano ang mga nasabing miyembro ng NPA at militiang bayan na magbalik-loob sa pamahalaan upang makapagbagong-buhay.