TUGUEGARAO CITY- Nahuli ng mga otoridad ang limang suspek na pumasok at pinagnakawan ang tatlong classrooms sa Tallungan Elementary School sa Aparri, Cagayan kahapon ng madaling araw.

Sinabi ni PCapt. Mario Marragun, hepe ng PNP Aparri, nakilala ang mga suspek sa kuha ng CCTV camera habang ibinababa ng mga suspek na sina Froilan, Reymark, Roy Vincent, Jovan Jay Guinoban at Tristan Dumana ang kanilang mga ninakaw sa nasabing eskwelahan.

Kabilang sa mga kinuha ng mga suspek ay isang laptop na nagkakahalaga ng P18,000, dalawang electric fan, isang electric drill at grocery items nagkakahalaga lahat ng nasa P30,000.

Sinabi ni Marragun na kumain pa umano ang mga suspek sa loob ng isang classroom na kanilang pinasok.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Marragun, sinira ng mga suspek ang mga padlock ng mga nasabing silid-aralan.

Kaugnay nito, sinabi ni Maraggun na hindi na makakalabas ng kulungan sina Froilan at Tristan dahil sa sumasailalim pa rin sila sa probation sa kanilang kaso ding pagnanakaw.