Inihahanda na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang datos at listahan ng mga tsuper sa Cagayan Valley na makatatanggap ng cash assistance mula sa pamahalaan sa ilalim ng social amelioration program (SAP).

Batay sa facebook post ng LTFRB-RO2, ang inihahandang listahan na pasok sa programa ay nakabase sa mga driver ng pampublikong sasakyan na dumalo sa Driver’s Academy ng ahensiya.

Sakop ng programa ang mga pamilya na may tsuper ng Public Utility Vehicles (PUVs), gaya ng Public Utility Jeepney (PUJ), UV Express (UVE), Public Utility Bus (PUB), Point-to-Point Bus (P2P), Taxis, Transport Network Vehicle Service (TNVS), School Transport, at Motorcycle (MC) Taxi.

Ang listahan ng pangalan at datos ng mga tsuper na kinokolekta ng LTFRB ay iko-crossmatch ng DSWD sa kanilang listahan ng benepisaryo ng iba pa nilang programa, tulad ng Listahanan o Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) upang masiguro na walang pagdoble at mas maraming pamilya ang matulungan.

Maaari silang makatanggap mula P5,000 hanggang P8,000 na ayuda depende sa regional maximum subsidy sa kanilang lugar.

-- ADVERTISEMENT --

Ang SAP for Drivers ay isang programa ng DSWD sa ilalim ng Republic Act No. 11469 o ang Bayanihan to Heal as One Act para magbigay ng financial assistance sa mga low-income na pamilya na apektado ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) na ipinatutupad upang masugpo ang Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa bansa.

Sa ilalim ng programa, tatanggap ang isang kwalipikadong driver ng P5,000 hanggang P8,000 na cash aid, depende sa regional maximum subsidy.