
Inilabas ni House Committee on Justice member Terry Ridon ang listahan ng mga sasakyang kasalukuyan at dating pag-aari ni Ramil Madriaga na nakarehistro sa Land Transportation Office.
Kabilang sa listahan ang mga motorsiklo at isang SUV na binanggit ni Madriaga sa kanyang affidavit, kung saan umano’y ginamit ang sasakyan sa pagdadala ng pera.
Ayon kay Ridon, tumutugma ang mga brand at modelo ng mga sasakyan sa rekord ng LTO, na nagpapakitang may katotohanan ang bahagi ng affidavit ni Madriaga tungkol sa pagmamay-ari ng mga ito.
Gayunpaman, nilinaw ni Ridon na ang listahan ay nagpapatunay lamang ng ownership at hindi pa nagpapatunay kung ang mga sasakyan ay binili para kay Vice President Sara Duterte o kung galing sa pondong ibinigay ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa kanyang affidavit, sinabi ni Madriaga na nakatanggap umano siya ng P25 milyon noong 2021 mula kay Rodrigo Duterte upang bumili ng mga motorsiklo para sa paggamit ni Sara Duterte at sa operasyon ng kanilang grupo.










