
Suportado ng Department of Budget and Management (DBM), na naghanda at bumalangkas ng National Expenditure Program (NEP) ng Marcos administration, na i-livestream ang mga deliberasyon ng bicameral conference committee sa panukalang P7.2 trilyong pambansang pondo sa 2027.
Ayon kay Budget Acting Secretary Kim de Leon, may mga talakayan kaugnay ng pagbubukas ng mga deliberasyon ng bicam sa publiko kasabay ng pag-usad ng panukalang pondo sa Kongreso. Kaugnay nito, sinabi ng kalihim na welcome para sa kagawaran at sinusuportahan nila ang mga hakbang tungo sa mas bukas o transparent na bicameral process.
Aniya, makatutulong ang transparent budget deliberations sa pang-unawa ng publiko kung paano ginagasta ang pera ng mga taxpayer at napalalakas din nito ang pananagutan at tiwala sa gobyerno.
‘We are doing this at a time when Filipinos are demanding greater transparency and accountability in the use of public funds. We welcome that scrutiny. If public money is involved, public scrutiny should never be treated as an inconvenience,” paliwanag pa ni de Leon.
Sakaling matuloy, ito na ang ikalawang pagkakataon na isasagawa ang livestreaming ng bicam deliberations kasunod ng kauna-unahang pagbubukas nito sa publiko noong Disyembre 2025 habang hinihimay ang 2026 national budget.
Sa kabatiran ng publiko, sa Bicameral Conference Committee (Bicam) deliberations, pinag-iisa o pinagkakasundo ng Senado at ng House of Representatives ang magkaibang bersyon ng kanilang ipinasang budget bill.










