Patay sa tinamong tama sa ulo ang isang 94-anyos na lola matapos siyang maatrasan ng grader truck sa ginagawang konstruksyon ng lansangan sa bayan ng Tuao.
Idineklarang dead-on-arrival sa pagamutan ang biktimang si Leonita Bumatay, residente sa Barangay Barancuag.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PSSGT George Matalang ng PNP Tuao na mabagal ang pagtawid ng biktima sa lansangan nang maatrasan ito ng grader operator na si Arnel Harochoc, 38-anyos, residente ng Camarines Sur at nagtatrabaho sa isang construction firm sa lalawigan.
Depensa naman ng driver na hindi niya napansin ang papatawid na biktima na noon ay papauwi na sa kanyang bahay noong Martes ng hapon.
Ayon kay Matalang, nagkasundo ang pamilya ng biktima na hindi na sila magsasampa ng kaso sa suspek at hihingi na lang ng tulong para maipalibing si Bumatay.