Patay ang isang lolo matapos malunod sa ginagawang maliit na fishpond o tinatawag na “rama” sa isang sapa sa Barangay Mabuttal East, Ballesteros, Cagayan kagabi.
Kinilala ni PCPL Jaylord Rosario ng Ballesteros Municipal Police Office ang biktima na si Fernando Villarin, 70-anyos.
Sinabi ni Rosario, sa kanilang imbestigasyon, nagpaiwan ang lolo sa ginagawang maliit na fishpond nang yayain siya ng kanyang anak at kapatid na umuwi kahapon ng hapon.
Ayon sa kapatid ng biktima, sinabihan siya na umuwi na sila ng 5 p.m. dahil sa pangamba na tataas ang tubig dahil sa high tide, subalit tumanggi ang lolo.
Pinuntahan na ng pamilya ang biktima ng pasado 9 p.m. nang hindi pa siya umuuwi, kung saan nakita ang wala nang buhay na lolo sa loob ng ginagawang fishpond.
Sinabi ni Rosario, posibleng nadulas ang lolo na paakyat na siya kaya nahulog at nalunod.
Ayon sa kanya, may nakitang mga sugat sa mukha ng lolo na posibleng dahil sa kanyang pakakadulas at pagkahulog sa sapa.