Agad na nasawi ang isang lolo dahil sa matinding tama sa binti at lumabas pa ang buto nito nang sumabog ang isang gulong habang nilalagyan ng hangin sa isang vulcanizing shop sa bayan ng Camalaniugan, Cagayan.

Kinilala ang biktima na si Demi Balianca, 67-anyos ng Brgy Kagawad ng Cullit, Lal-lo.

Ayon kay PCAPT Jessie Alonzo, hepe ng PNP-Camalaniugan, nagpa-vulcanize ang biktima ng gulong ng kanyang motorsiklo kung saan katabi lamang nito ang sumabog na gulong ng trailer truck na posibleng nasobrahan sa hangin gamit ang compressor at sa kalumaan na nito.

Sinabi ni Alonzo na human error ang dahilan ng insidente o nagkaroon ng kapabayaan ang vulcanizer na kinilalang si Edison Garcia, 44-anyos at residente sa bayan ng Camalaniugan.

Sa lakas ng pagsabog ay tinamaan ng debris ng gulong ang biktima, kasama ang bubong at bintana ng shop.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ngayon ay naisampa na ang kasong Reckless Imprudence Resulting to Homicide laban sa suspek na nasa kostodiya ng pulisya.