Dead on arrival sa pagamutan ang isang lolo nang masagasaan ng sasakyan habang tumatawid sa pambansang lansangan sa bayan ng Sanchez Mira, Cagayan nitong Linggo ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Ricardo tabon, 84-anyos ng Brgy Callungan sa naturang bayan.

Ayon kay PSSG Mariano Cadiente Jr, imbestogador ng PNP-Sanchez Mira, dakong alas 8:00 ng gabi nang papatawid ang biktima sa national highway ng Brgy Callungan nang mabangga ito ng isang SUV na minamaneho ni Rowell Villanueva, 38-anyos at residente sa bayan ng Allacapan.

Sa lakas ng pagkabangga ay nagtamo ang biktima ng mga sugat sa ibat-ibang bahagi ng kanyang katawan at ulo na sanhi ng kanyang pagkamatay.

Nabatid na papauwi na ang lolo sa kanyang bahay habang ang suspek na nagpositibo sa nakalalasing na inumin ay galing sa isang kasiyahan sa bayan ng Claveria at papauwi na rin sa Allacapan ng mangyari ang aksidente.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ngayon ay nagkaroon na ng paguusap sa pagitan ng pamilya ng biktima at suspek kung saan nagsumite sa korte ng “affidavit of desistance” ang anak ng biktima para sa hindi na pagsasampa ng kaso.