
Isinapubliko ng Agence France-Presse o AFP ang loob ng detention center ng International Criminal Court o ICC sa The Hague, Netherlands kung saan kasalukuyang nakadetine si dating Pangulong Rodrigo Duterte habang hinihintay ang paglilitis sa kasong crimes against humanity kaugnay ng kanyang war on drugs.
Batay sa ulat, nananatili si Duterte sa isang selda na may lawak na siyam na metro kuwadrado sa loob ng detention facility na matatagpuan malapit sa gusali ng ICC.
Pinapayagan umano ang mga detainee na makalabas ng kanilang selda nang isang oras bawat araw para mag-ehersisyo sa outdoor area ng pasilidad. Mayroon din silang lingguhang budget na 25 euros para sa pagbili ng mga personal na pangangailangan at iba pang pagkain.
Ayon sa AFP, bihira lamang mabigyan ng access ang media sa loob ng detention center na ginagamit hindi lamang ng ICC kundi pati ng iba pang international courts.
Matatagpuan ang pasilidad malapit sa baybayin ng The Hague, isang lugar na kilala sa mahahabang dalampasigan at dinarayo ng mga residente at turista. Gayunman, limitado ang galaw ng mga detainee sa loob ng detention center.
Kabilang din umano sa mga nakadetine sa ibang bahagi ng pasilidad si Ratko Mladic, na kilala bilang Butcher of Bosnia, na nasa ilalim naman ng United Nations Detention Unit.
Nahaharap si Duterte sa kasong crimes against humanity kaugnay ng madugong kampanya kontra droga ng kanyang administrasyon na ikinasawi ng libo-libong katao batay sa imbestigasyon ng ICC.










