TUGUEGARAO CITY- Suspenddido muna ang lotto draws ng Philippine Charity Sweepstakes Office o PCSO matapos na ibalik sa Modified Enhanced Community Quarantine ang National Capital Region.
Sinabi ni Heherzon Pambid, manager ng PCSO sa Cagayan na wala munang lotto draws na nakatakda sana ngayong araw at sa susunod na mga araw dahil sa NCR isinasagawa ang draws.
Gayonman, sinabi ni Pambid na una na silang nagkaroon ng 15 na draws kung saan ay nai-publish na nila ang mga resulta.
Kasabay nito, sinabi ni Pambid na habang suspendido pa ang ilang lotto draws ay maaari namang tumaya sa Keno na binuksan noong July 28.
Umaasa si Pambid na mababago na ang MEGCQ sa NCR sa August 19 para makapag-resume ang mga lotto draws.
Kaugnay nito, aminado si Pambid na bumaba ang kita ng PCSO sa mga numbers game.
Gayonman, umaasa siya na makakabawi ito sa sandaling makuha na ang 6/58 lotto na ang jackpot prize ay mahigit P300m.
Samantala, sinabi ni Pambid na bago pa man ang suspension ng lotto draws ay nakapagsagawa na sila ng inspection sa mga lotto outlets upang matiyak na nakakasunod ang mga ito sa health at safety protocols laban sa covid-19.
Ayon sa kanya, dalawa lang na lotto outlet ang hindi pa pinayagan na magbukas sa Cagayan dahil sa hindi pa nakasunod sa health at safety protocols.