TUGUEGARAO CITY- Muling binuksan ang operasyon ng mga lotto outlets sa Cagayan matapos na tanggalin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang suspension order sa operasyon ng lotto kagabi.
Sinabi ni Heherzon Pambid, general manager ng PCSO-Cagayan na nakipag-ugnayan sila sa PNP Cagayan para sa pagtanggal sa mga inilagay na closure order sa mga lotto outlets.
Dahil dito, sinabi ni Pambid na maaari na muling tumaya sa lotto simula ngayong araw na ito.
Sinabi pa ni Pambid na maaari na ring magtungo sa mga lotto outlets o sa kanilang tanggapan ang mga may hawak na winning lotto tickets bago pa man ang suspension order para sila ay mabayaran.
Kasabay nito, nilinaw ni Pambid na tanging lotto outlets pa lang ang balik ang operasyon at hindi pa kasama ang iba pang gaming operations ng PCSO tulad ng Small Town Lottery, peryahan ng bayan at iba.
Gayonman, umaasa siya na ibabalik din ang operasyon ng mga nasabing sugal sa sandaling matapos ang imbestigasyon sa umano’y korupsion sa mga pasugalan na pinapatakbo ng PCSO.
Umaasa din siya na hindi muling babalik ang iligal na sugal na jueteng dahil sa suspension ng mga nasabing gaming operations ng PCSO.