TUGUEGARAO CITY-Nangunguna ang love scam at buy and sell scam sa 13 kaso ng cybercrime na naitala ng Regional Anti-Cybercrime Unit (racu) Region 2 mula Enero hanggang sa Hunyo ngayong taon.
Ayon kay Major Mark Turingan ng RACU-Region 2, may tig-apat na kaso ang love scam at buy and sell scam ang naitala sa rehiyon kung saan iba’t-iba ang modus ng mga nambibiktima.
Sinabi ni Turingan na ang love scam ang lumalaba na may pinakamaraming uri ng scam ngayon sa rehiyon dos at kung hindi maagapan ay mas lalo pang darami ang bilang ng mga mabibiktima.
Aniya, mga foreigner ang sangkot sa loved scam kung saan naglalaan ng oras ang mga ito para makuha ang loob ng mga Filipino hanggang sa papangakuhan na magbibigay ng malaking halaga ng pera o di kaya’y mga package pero bago nito ay kailangan na munang magpadala ng pera ang biktima.
Bukod dito, nakapagtala rin ang racu ng tig-dalawang kaso ng recruitment at investment scam at may isang emergency scam.
Sa ngayon, sinabi ni Turingan na ilan sa mga kaso ay inapplayan na ng cyber warrant sa korte para maiprisenta sa mga bangko o money remittance company para makakuha ng impormasyon sa transaksyon ng biktima at suspek.
Kaugnay nito, nagpaalala si Turingan sa publiko na maging maingat at huwag magpapaniwala sa mga katransakyon sa mga nakakausap sa social media.