Inaasahang magdadala ng mga pag-ulan ang isang Low Pressure Area (LPA) na nasa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa ilang bahagi ng bansa sa darating na Lunes, ayon sa PAGASA.
Ayon sa pinakahuling ulat, ang LPA ay namataan sa layong 430 kilometro silangan hilagang-silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur.
Tatamaan ng LPA ang mga rehiyon ng Visayas, Bicol, Northern Mindanao, Caraga, Davao Region, at lalawigan ng Quezon, kung saan inaasahan ang maulap na kalangitan na may kasamang mga pag-ulan at pagkulog-pagkidlat.
Samantala, ang Southwest Monsoon o Habagat na bahagyang pinalakas ng bagyong si Isang (ngayon ay tinatawag nang Typhoon Kajiki), ay magdadala rin ng maulap na panahon na may kalat-kalat na pag-ulan sa SOCCSKSARGEN, Zamboanga Peninsula, Lanao del Sur, Maguindanao, at Palawan.
Inaasahan ding makararanas ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may mga panaka-nakang pag-ulan o thunderstorms ang Metro Manila at ang nalalabing bahagi ng bansa.
Babala ng mga awtoridad, maaaring magdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa ang mga pag-ulang ito, lalo na sa mga mabababang lugar at bulubunduking bahagi.
Patuloy din ang pagbabantay sa Typhoon Kajiki (dating Isang) na nasa layong 1,075 km kanluran ng Northern Luzon.
Taglay nito ang lakas ng hanging umaabot sa 150 km/h malapit sa gitna at bugso na hanggang 185 km/h habang kumikilos pakanluran sa bilis na 15 km/h.
Inaasahan naman ang katamtamang hangin at banayad hanggang sa katamtamang pag-alon sa mga baybaying dagat sa buong bansa.