
Posibleng ibalik sa mas mababang antas ang pasahe sa mga pampublikong sasakyan kung bababa o magiging stable ang presyo ng langis sa mga susunod na buwan, ayon sa LTFRB.
Sinabi ni LTFRB Acting Chairman Greg Pua Jr. na susuriin ng ahensya ang posibilidad ng fare rollback sakaling may magsumite ng petisyon para rito.
Anya, nangyari na ito noong 2018 nang bumaba nang malaki ang presyo ng fuel at nagpatupad ang LTFRB ng fare reduction.
Samantala, epektibo ngayong Setyembre 28 ang inaprubahang fare hike, kung saan naging P14 ang minimum fare sa traditional jeepney at P17 naman sa modern jeepney.
Ayon kay Pua, isinasaalang-alang sa fare adjustment ang epekto ng mataas na presyo ng langis, P60 wage increase at ang kakayahan ng mga commuter na pasanin ang dagdag-pasahe.
Batay sa pagtataya ng LTFRB, maaaring umabot sa P1,200 kada araw ang netong kita ng mga jeepney driver matapos ibawas ang tinatayang P3,000 araw-araw na gastos sa fuel, bagama’t maaari itong mag-iba depende sa bilang at distansiya ng mga pasahero.









