
Pansamantalang hindi magagamit ang Land Transportation Management System (LTMS) portal dahil sa technical issue, ayon sa Land Transportation Office (LTO).
Sinabi ng LTO na nagsasagawa na ito ng mga kinakailangang hakbang upang maibalik sa normal ang operasyon ng sistema sa lalong madaling panahon.
Ayon pa sa ahensya, pinag-aaralan na rin ang mga posibleng solusyon at isinasagawa ang mga pagpapahusay sa sistema upang mabawasan ang pagkaantala sa serbisyo at maiwasan ang kaparehong aberya sa hinaharap.
Dahil sa pansamantalang hindi paggamit ng LTMS, inatasan ng LTO ang lahat ng tanggapan nito na huwag munang gamitin ang portal para sa anumang transaksyon hanggang sa magbigay ng panibagong abiso.
Tiniyak naman ng ahensya na prayoridad nitong maibalik agad sa normal ang operasyon ng sistema at maglalabas ito ng karagdagang anunsyo kapag ganap nang naibalik ang serbisyo.




