Permanenteng binawi ng Land Transportation Office o LTO ang lisensya ng isang taxi driver at pinagbawalang kumuha ng anumang uri ng driver’s license habang-buhay matapos umanong maningil nang sobra sa isang dayuhang pasahero.

Ayon kay LTO chief Assistant Secretary Markus Lacanilao, agad silang nagsagawa ng imbestigasyon matapos kumalat ang video ng insidente sa Pasay City kung saan umano’y siningil ng P2,000 ang foreign passenger para sa biyahe mula sa airport patungo sa kanyang destinasyon.

Natukoy ng LTO ang driver at registered owner ng taxi at kapwa inatasang magsumite ng kanilang sworn statements at paliwanag. Natuklasan din na expired ang registration ng taxi at may mga nakabinbing administrative case ang driver dahil sa iba pang paglabag sa batas-trapiko.

Matapos ang pagdinig, idineklara ng LTO ang driver bilang improper person to operate a motor vehicle at tuluyang binawi ang kanyang driver’s license. Pinagbawalan din siyang kumuha ng anumang uri ng driver’s license habang-buhay.

Nananatiling impounded at under alarm status ang taxi. Ayon kay Lacanilao, bahagi ito ng hakbang ng LTO na mabilis at mahigpit na aksyunan ang mga paglabag na nakaaapekto sa publiko.

-- ADVERTISEMENT --