Arestado ang isang empleyado ng Land Transportation Office o LTO matapos umanong makabangga ng mga pedestrian at tumakas sa Sumulong Highway sa Antipolo City noong Agosto 14.

Dalawang babae ang nasugatan sa insidente matapos silang mabangga habang tumatawid sa pedestrian crosswalk. Nahabol naman ng isang off-duty police officer ang suspek matapos makita sa dashcam ang insidente.

Sa isinagawang 10-minutong habulan, nakitang nag-counterflow, nag-overtake at sumuway sa traffic light ang suspek bago tuluyang maharang at maaresto.

Ayon kay PEMS Andy Evangelista, inamin umano ng suspek na nakainom siya ng alak bago magmaneho, ngunit iginiit na hindi niya alam na may nabangga siyang mga pedestrian.

Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa Antipolo Police Precinct sa Cogeo at nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in physical injuries at abandonment of one’s own victim.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, iniutos ni LTO Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao ang agarang pagtanggal sa suspek sa serbisyo at permanenteng pagbawi sa kanyang driver’s license. Ang dalawang biktima ay nagtamo ng mga pasa at minor injuries at nakalabas na ng ospital.