
Ipinag-utos ni Department of Transportation (DOTr) Acting Secretary Giovanni Lopez sa Land Transportation Office (LTO) na suspendihin ang pagkumpiska ng driver’s license sa mga kaso na may kinalaman sa traffic violations.
Ayon sa DOTr, ang hakbang ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na linawin at ayusin ang mga patakaran sa paghuli ng mga traffic violator, lalo na sa mga kasong kinukumpiska ang lisensiya ng drayber.
Sa memorandum na inilabas, inatasan ni Lopez ang LTO na suspendihin agad ang pagkumpiska ng lisensiya ng mga nahuling drayber at muling suriin ang lahat ng kaugnay na isyu upang matiyak ang pagkakapare-pareho sa lahat ng umiiral na patakaran.
Binago rin ng kalihim ang dating patakaran sa pag-aayos ng traffic apprehension cases.
Mula sa dating 15 calendar days, ginawa na itong 15 working days upang mabigyan ang gobyerno at ang publiko ng sapat na oras upang malutas ang mga kaso.
Gayunman, kahit suspendido ang pagkumpiska ng driver’s license, ilalagay pa rin sa alert status ang lisensiya ng traffic violator.
Kapag hindi naayos ang kaso sa loob ng 15 working days, awtomatikong masususpinde o mababawi ang lisensiya ng driver.
Epektibo kaagad ang bagong memorandum, ayon sa DOTr.










