Nagpakalat ang Land Transportation Office (LTO) ng mahigit 1,700 traffic enforcer sa buong bansa para bantayan ang mga pangunahing kalsada ngayong Semana Santa.

Ayon kay LTO Chief Vigor Mendoza II, layunin ng deployment — na isinagawa kasabay ng pakikipagtulungan sa PNP at iba pang ahensya — na masigurong ligtas ang paglalakbay ng mga motorista sa panahong inaasahan ang dagsa ng mga biyahero.

Inatasan din ang mga enforcer na i-monitor at i-document ang mga insidente ng mapanganib na pagmamaneho, kabilang na ang road racing.

Dagdag pa ni Mendoza, bahagi ito ng utos ni DOTr Secretary Vince Dizon upang mapigilan ang mga pasaway na motorista sa pamamagitan ng presensya ng unipormadong tauhan.

Bukod dito, inihayag din ng LTO chief ang plano niyang magmungkahi ng mas mabigat na parusa para sa mga kaso ng road rage at isulong ang panukalang batas na magpapakulong sa mga masasangkot dito.

-- ADVERTISEMENT --

Aniya, kung gawing krimen ang road rage sa ilalim ng isang “special law,” hindi na maaaring gamiting depensa ang kawalan ng intensyon sa krimen.