Binatikos ng kampo ni dating Allacapan, Cagayan Mayor Harry Florida ang Land Transportation Office kaugnay sa isang video na hinahabol ng isang lalaki ang isang sasakyan sa nasabing bayan.

Una rito, naglabas ang LTO ng 90 days suspension sa driver’s license ng driver ng sasakyan at naglabas ng show cause order laban kay Florida, na siya mismo ang naglabas ng nasabing video.

Sinabi ni Atty. Roger Paz, kasama nang mangyari ang insidente na mali ang ipinarating na impormasyon ng impormante ng LTO kaugnay sa nasabing pangyayari, na matapos umanong magpakara si Florida ay agad itong umalis na hindi pa nagbabayad kaya hinabol ito ng lalaki.

Ayon sa kanya, ang tunay na pangyayari ay galing si Florida sa kanyang opisina sa nasabing gasolinahan na kanyang pagmamay-ari at nang paalis na sila para pumunta sa isang kainan ay nakita sila ng lalaki na kinilala nilang si Tyson, dahil gusto niyang sumama.

Sinabi ni Paz na itinuring na ng pamilya Florida si Tyson na miyembro ng pamilya dahil matagal na ito naninirahan sa kanila.

-- ADVERTISEMENT --

Nilinaw pa ni Paz na ang insidente ay nangyari nitong buwan ng Pebrero.

Binigyang-diin ni Paz na walang legal na basehan ang inilabas na kautusan ng LTO dahil walang nilabag na batas sa insidente.