Nagpatupad ang Land Transportation Office (LTO) ng 90-araw na preventive suspension sa lisensya ng isang motorcycle rider matapos itong makuhanan sa video na nagmamaneho sa pampublikong kalsada habang gumagamit ng cellphone at nasa video call.

Ayon sa LTO, kumalat sa social media ang naturang video na nagpapakita ng rider na nagmamaneho habang kausap ang isang tao sa kanyang mobile phone.

Sa isang pahayag nitong Huwebes, sinabi ni LTO Chief Markus Lacanilao na ang paggamit ng cellphone habang nagmamaneho, lalo na kung naka-video call, ay lubhang mapanganib at malinaw na labag sa batas.

Binigyang-diin niya na hindi lamang ang rider ang nalalagay sa peligro kundi pati na rin ang ibang gumagamit ng kalsada, at maaari itong magdulot ng malubhang aksidente na ikapapahamak ng buhay.

Kaugnay nito, naglabas ang LTO ng show-cause order laban sa rider at sa rehistradong may-ari ng motorsiklo, isang Yamaha NMAX.

-- ADVERTISEMENT --

Inatasan silang humarap sa LTO Intelligence and Investigation Division sa Quezon City ngayong araw, Enero 16 upang magsumite ng paliwanag kung bakit hindi dapat patawan ng parusa ang rider sa mga posibleng paglabag, kabilang ang reckless driving, distracted driving, at pagiging hindi angkop na magmaneho ng sasakyang de-motor.

Habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, inilagay rin ng LTO sa alarm status ang motorsiklong ginamit sa insidente bilang bahagi ng mga hakbang upang matiyak ang kaligtasan sa kalsada.