
Ipinagtanggol ni Batangas Representative at lead prosecutor Gerville Luistro ang House prosecution panel matapos sabihin ni Senator-Judge Robin Padilla na hindi dapat maging “one-sided” ang prosecution sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte. Ayon kay Luistro, tungkulin ng prosecution na patunayan ang kaso laban sa respondent at mas magiging kataka-taka kung magiging neutral ang kanilang panig.
Naging usapin ito matapos kwestiyunin ni Padilla ang pagharap ng ilang testigo ng prosecution at hilinging iwasan ang pagharap ng mga may kinahaharap na kasong perjury. Nilinaw naman ni Luistro na walang kasong perjury ang mga National Bureau of Investigation (NBI) agents na sina John Mark Calilung at Jeremy Lotoc at iginiit na hindi batayan ng diskwalipikasyon ang mga kasong wala namang pinal na hatol.
Samantala, humingi ng paumanhin si private prosecutor Atty. Lorna Kapunan kay Padilla matapos ang naging reaksyon ng ilang abogado ng prosecution sa plenaryo. Iginiit niyang wala silang intensyong bastusin ang senador at sinabi ring bahagi lamang ng paglilitis ang pagiging masigasig ng bawat panig sa paglalahad ng kanilang mga argumento.









