Tiniyak ng ACT Teachers Party-list na isusulong nito ang kapakanan at karapatan ng kaguruan sa bansa kasabay ng pagbibigay ng delakidad na edukasyon sa mga kabataan.

Ito ang binigyang diin ni ACT partylist Representative Cong. France Castro kasabay ng isinagawang kilos protesta alinsunod sa pagsisimula ng pagdiriwang ng Teachers Month kahapon.

Sinabi ni Castro na isa sa mga pangunahing hinaing at kahilingan ng kaguruan sa bansa ay ang maitaas ang kanilang sweldo at natatanggap na benepisyo na ngayon ay napapanahon na ring dapat tugunan ng pamahalaan.

Kabilang din aniya sa kanilang binubusisi sa kongreso ay ang pag-rechannel sa napakalaking confidential fund ng Office of the Vice President at ng Department of Education upang matugunan pa ang ibang pangangailangan sa sektor ng edukasyon sa bansa.

Ikinatuwa niya na pumasa na sa pinal na pagbasa sa senado ang panukalang teaching supply allowance ng mga guro at umaasa siya na sa 2nd at final reading ng panukalang batas sa kongreso ay maaaprubahan din ito at hindi i-veto ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ilalim aniya ng panukala ay may P7500 na teaching supply allowance ang mga guro at sa susunod na taon ay aabot na ito ng P10,000 na malaking tulong din sa kanilang pagtuturo.

Ipinunto ni Castro na dapat ding ayusin ang sistema ng edukasyon sa bansa at maibigay ng tama ang nararapat na serbisyo at benepisyo para sa mga guro at mag-aaral upang maiwasan din na mangibang bansa ang mga guro sa halip na magturo sana sa bansa.

Isa aniya sa kanilang isinusulong ang ang special hardship allowance para sa mga gurong itinalaga sa malalayong lugar na nakakaranas na umakyat ng bundok, tumawid ng ilog at maglakad ng malayo para lang makapagturo at mapuntahan ang eskwelahan kung saan sila naka destino.