TUGUEGARAO CITY-Ipinagmalaki ng Department of Agriculture (DA) ang paglago ng agrikultura sa ikatlong quarter ng 2019.
Sa ginawang pagbisita ni Agriculture Sec. William Dar, kanyang sinabi na sa tatlong buwan niyang pag-upo bilang kalihim ng nasabing ahensiya ay naging maayos ang paglago ng agrikultura dahil na rin sa partisipasyon ng grupo ng mga magsasaka at mangingisda.
Tumaas aniya sa 2.87 percent ang agriculture growth sa buong bansa kung ikukumpara sa nakaraang taon sa kaparehong buwan na mayroong negative 1 percent.
Samantala, pinasalamatan naman ng kalihim ang mga magsasaka dahil sila umano ang dahilan ng pagtaas ng sektor sa bansa.
Dahil dito, sinabi ni Dar na mas lalong pagtutuunan nang pansin ng kagawaran katuwang ang iba pang grupo at ahensiya ang mga programa para sa ikabubuti ng mga magsasaka upang magtutuloy-tuloy ang paglago ng agrikultura.
Umaasa ang kalihim na ito na ang simula ng pag-angat ng buhay ng mga magsasaka maging ang mga mangingisda.
Sinabi nito na hindi lamang sila nakatuon sa produksyon ng agriculture crops kundi maging ang agri-business para madagdagan pa ang kanilang kita.