Hiniling ni Akbayan Partylist Representative Dadah Kiram Ismula sa pamahalaan na madaliin ang pagbibigay ng nararapat na tulong sa mga biktima ng paglubog ng MV Trisha Kerstin 3 sa karagatang sakop ng Basilan kung saan 18 na ang naitatalang nasawi at 10 pa ang nawawala.

Mungkahi ni Ismula, palakasin ang rescue teams sa Isabela City at pag-ibayuhin ang medical at psychological support sa 317 survivors.

Hiling din ni Rep. Kiram, na dapat nang gumulong ang proseso ng pagpapanagot sa Aleson Shipping Lines na may-ari ng lumubog na Ro-Ro upang mabigyan ng hustisya ang mga biktima.

Nalaman kasi ni Ismula na ito rin ang kompanyang may-ari ng Lady Mary Joy 3 na nasunog noong 2023 habang naglalayag kung saan 31 ang nasawi.

Bunsod nito ay pinagpapaliwanag ni Ismula ang Department of Transportation (DOT) kung paanong ito ay nakalusot sa safety standards.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Ismula, hindi maaaring hayaang magpatuloy ang ganitong sistema kung saan buhay ng mahihirap nating kababayan ang laging nakataya.