
Iniugnay ni Ramil Madriaga si Manases Carpio, na asawa ni VP Sara sa kontrobersyal na shipment ng magnetic lifters na umano’y naglalaman ng shabu na nasabat noong 2018.
Sa kanyang supplemental affidavit sa pagdinig ng impeachment laban kay Sara Duterte, sinabi ni Madriaga na inutusan umano siya ni former president Rodrigo Duterte na tumulong kay Carpio kaugnay ng isang shipment na hinarang ng Bureau of Customs.
Ayon sa kanya, unang ipinakilala sa kanya ang shipment bilang construction equipment, ngunit kalaunan ay napag-alamang magnetic lifters ito na may lamang daan-daang kilo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng bilyong piso.
Sinabi rin ni Madriaga na nahirapan umano silang mailabas ang shipment dahil ito ay itinuturing na sensitibong kaso, at kalaunan ay napaulat na nawawala ang laman ng mga lifters.
Bukod dito, inamin din ni Madriaga na nagsilbi umano siyang dummy sa ilang bank account na ginamit para sa malalaking transaksyon noong panahon ng administrasyon ni Duterte, kabilang ang paglagda sa mga tseke at pagdaan ng milyun-milyong piso sa kanyang pangalan.
Ang mga pahayag ay bahagi ng patuloy na pagdinig sa mga alegasyon laban sa bise presidente, na kasalukuyang sinusuri ng House Committee on Justice.









