Naisampa na ang kasong homicide laban sa mag-ama na pumaslang sa kanilang kaanak nang dahil lamang sa away ng magpipinsan sa larong pinoy pool o pitchas sa bayan ng Pamplona, Cagayan.

Ayon kay PMAJ Llewelyn Guzman, hepe ng PNP-Pamplona, boluntaryong sumuko sa pulisya ang mag-amang suspek na kinilalang sina Rexie Baluscang, 52-anyos at anak niyang si Ritchtofen Baluscang, 22-anyos na kapwa residente ng Brgy Masi.

Lumalabas sa imbestigasyon na unang nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang biktimang si Francis Mangibunong, 20-anyos laban kay James Mangrubang, 22-anyos na nauwi sa suntukan matapos matalo ang isa sa kanilang laro dakong alas 11:00 ng gabi noong Martes, September 10.

Nakisali rin umano sa suntukan ang nakababatang Baluscang ngunit tumakbo ito pauwi para humingi ng saklolo sa kanyang ama nang makitang nabagok ang ulo ni James.

Dahil dito kung kaya sumugod ang nakatatandang Baluscang na armado ng kutsilyo na tinatayang nasa 15 pulgada ang haba at sinaksak ng isang beses ang kanyang pamangkin sa dibdib nito.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Guzman na nagawa pang makahingi ng saklolo si Mangibunong sa kanilang tahanan ngunit idineklarang patay na nang maisugod sa pinakamalapit na pagmutan.

Sa ngayon ay nakalabas na sa pagamutan si James na nagtamo ng pinsala sa ulo dahil sa pagkakabagok.