Nagsasagawa ng validation ang Philippine National Police (PNP) sa ulat na bumiyahe sa Pilipinas ang mag-amang gunmen sa pamamaril sa Bondi Beach sa Sydney, Australia bago ang pag-atake.

Sinabi ni PNP spokesperson Police Brigadier General Randulf Tuaño na nakikipag-ugnayan ngayon si PNP acting chief Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr. sa pamamagitan ng Directorate for Intelligence sa Bureau of Immigration (BI) tungkol sa nasabing report.

Ayon sa Australian police, ang mag-ama ay bumiyahe sa Pilipinas nitong nakalipas na buwan, at iniimbetigahan na kung ano ang dahilan ng kanilang biyahe.

Idinagdag pa ng mga pulisya ng Australia na batay sa paunang imbestigasyon, sinasabing maaaring naturuan ang gunmen sa ideologies ng Islamic State, matapos na may makita na dalawang homemade Islamic State flags sa sasakyan na ginamit ng isa sa mga ito.

Samantala, sinasabi rin sa ulat na ang mag-ama ay pumunta sa Pilipinas para umano sa “military-style training.”

-- ADVERTISEMENT --

Matatandaan na 16 ang namatay sa pamamaril noong Linggo kabilang ang ama na shooter matapos siyang barilin ng mga awtoridad, habang ang kanyang anak ay ginagamot sa isang ospital.