
Patay ang mag-asawang pinaghihinalaang miyembro ng New People’s Army (NPA) matapos ang engkuwentro laban sa mga tropa ng Philippine Army sa bulubunduking bahagi ng Barangay San Isidro, Palanas.
Ayon sa Philippine Army, nagsasagawa ng combat patrol ang mga sundalo ng 9th Infantry Division nang makasagupa ang tinatayang 10 armadong rebelde, kabilang ang mga gumagamit ng alyas na Ka Dawe at Ka Sheila. Walong rebelde ang tumakas at nagkaroon pa ng panibagong sagupaan habang hinahabol ng mga sundalo.
Sinabi ni Philippine Army Public Affairs Division Officer Major Frank Roldan na nasawi ang mag-asawa sa engkuwentro. Ayon din sa militar, kabilang ang isa sa dalawa sa nagsisilbing medic ng grupo.
Isang sundalo naman ang nasugatan matapos tamaan ng bala sa binti, ngunit nasa matatag na kondisyon.
Narekober ng mga sundalo sa lugar ang apat na matataas na kalibreng baril at ilang dokumentong may kaugnayan sa umano’y subersibong aktibidad.
Ayon sa Philippine Army, isinagawa ang operasyon matapos makatanggap ng ulat sa kanilang Facebook page tungkol sa presensya ng mga armadong indibidwal sa naturang lugar.










