Patay ang isang baba3e habang sugatan naman ang kanyang asawa matapos pagsasaksakin ng isang lalaking nanloob sa isang bahay Brgy. Sta. Barbara, Piat, Cagayan.
Kinilala ang nasawing biktima na si Maricon Reyes, 34 anyos at ang asawa nito na nagpapagaling sa ospital ay si Anthony Reyes 41 anyos habang ang suspek naman ay si Darwin Tumbali pawang mga residente sa naturang lugar.
Ayon kay PCPL Jun-Jun Noveno, Asst. Investigator ng PNP Piat, kapitbahay ni Maricon ang kanyang kapatid at iniwan nila ang kanilang bahay dahil sila ay nagtungo sa outing at kalaunan ay nagulat aniya ang biktima ng biglang may kung anong ingay ang naririnig sa loob ng bahay.
Dahil dito ay pinuntahan niya umano ang bahay at nagulat ng madatnan niya ang suspek na nagnanakaw at dahil sa pagkabigla ng suspek ay sinaksak niya ng pitong beses si Maricon.
Mabilis namang sumunod si Anthony upang tulungan ang kanyang asawa ngunit bago pa man nito ay naunahan na siyang sinaksak sa tagiliran ni Darwin.
Sinabi ni Noveno na may mga nakasaksi sa naturang insidente at ang mga rumespondeng mga concerned citizen ay mabilis naman nilang isinugod sa ospital ang mag-asawa kasama ang mga miyembro ng Quick Response Team ng Piat ngunit binawian ng buhay si Maricon.
Positibo namang tinukoy ni Anthony si Darwin na siya ang gumawa ng krimen at siya rin ang itinuturo ng iba pang residenteng nakasaksi sa insidente.
Saad ni Noveno na mabilis na napasok ng suspek ang bahay ng kapatid ni Maricon dahil sira ang door knob sa main door ng bahay at sa pagsisiyasat ay hindi naman nakainom ng alak ang suspek at maaaring dahil sa gulat at takot na mahuli ay nagawa niya ang pananaksak sa mag-asawang biktima.
Sa ngayon ay hawak na ng pulisya ang suspek na nahaharap sa patung-patong na kasong Robbery with Homicide at Physical Injury.