Patay ang mag-ina habang sugatan ang dalawang iba pa nang araruhin ng Montero Sport na minaneho ng isang retiradong army ang isang bahay sa Sitio Dananao, Barangay Lacnog, Tabuk City, Kalinga.

Kinilala ang nasawing biktima na sina Claire Daluping at anak nitong si Kawhi, anim na buwang sanggol habang sugatan naman ang dalawang menor de edad na sina Kristell Dumalsin Gasatan, 15-anyos at Beverly Daluping, 14-anyos; pawang mga residente sa naturang lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PMAJ Gary Gayamos, tagapagsalita ng Kalinga Police Provincial Office na nawalan ng kontrol sa manibela ang suspek na si Edwin Ortiz, 64-anyos, residente ng Magsaysay, Tabuk City nang subukan nitong mag-overtake sa sinusundang sasakyan ngunit bigla namang lumiko-pakaliwa sa kanto papuntang Brgy Bulo bandang alas 3:00 ng hapon nitong Sabado.

Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya na iniwasan ng suspek na mabangga ang sasakyan ngunit sa halip na preno ay accelerator ang natapakan nito kung kaya dumiretso ang sasakyan sa kaliwang bahagi ng kalsada at nasagasaan nito ang mga biktima na nakatambay at nakaupo bago sinalpok ang isang konkretong bahay.

Agad binawian ng buhay ang ina at sa pagamutan naman nasawi ang anak nito habang patuloy na nilalapatan ng lunas ang dalawang iba pa.

-- ADVERTISEMENT --

Sa lakas ng pagsalpok ay nawasak ang pader ng bahay at ang unahan ng sasakyan.

Nabatid na galing sa Isabela ang suspek, kasama ang isa pa at pauwi na sana ng mangyari ang aksidente.

Nahaharap ngayon ang driver na nasa kostodiya ng pulisya sa kasong reckless imprudence resulting in damage to property with homicide and multiple physical injuries.