Nakatakdang magpakawala ng tubig ang National Irrigation Administration Magat River Integrated Irrigation System o NIA MARIIS bukas bilang paghahanda sa posibleng epekto ng bagyong Crising.

Ayon kay Engr. Edwin Viernes ng NIA MARIIS, posibleng magbukas ng spillway gate ang dam na may 1 meter ang taas na kaumbas ng 150 cubic meter per second sa ganap na alas-9:00 ng umaga bukas.

Dahil dito, sinabi ni Viernes na inaabisuhan nila ang mga kaukulang ahensiya ng pamahalaan at local government units o LGU’s sa gagawing pre-emptive release kahit na wala pa silang namomonitor na pag-ulan sa mga watershed areas ng dam.

Aniya, layunin nito na mapababa kahit konti ang water elevation sa dam para ma-accommodate ang volume ng tubig-ulan na inaasahang ibabagsak ng bagyo.

Sa kasalukuyan ang water elevation sa Magat dam ay nasa 184.14 meters above sea level na may average inflow na 186 cubic meter per second at outflow na 114 cubic meter per second.

-- ADVERTISEMENT --

Kabilang ang Magat River sa 20 tributaries na bumabagsak at nagdudulot ng pag-apaw ng Cagayan river na nagreresulta ng pagbaha sa mga mabababang lugar ng lalawigan ng Cagayan na pinaka-catch basin o lagusan ng tubig mula sa lalawigan ng Nueva Vizcaya, Isabela, Quirino, at Ifugao kung mayroong sama ng panahon.

Inabisuhan ng mga kinauukulan ang mga naninirahan sa mga lugar na posibleng maapektuhan ng bagyo na maging alerto at makinig sa mga inilalabas na mga advisory ng mga kaukulang ahensiya ng pamahalaan dahil sa posibleng ulan na dala ng bagyo lalo na sa araw ng Biyernes at Sabado.

Pinayuhan naman ng Mines and Geosciences Bureau ang mga kinauukulan na imonitor ang 901 barangays sa lambak Cagayan na lantad sa pagbaha at pagguho ng lupa kung mayroong malalakas na pag-ulan.