Patuloy ang monitoring ng pamunuan ng National Irrigation Administration–Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS) sa pagtaas ng tubig na posibleng pagbubukas ng spillway gate ng Magat Dam sakaling lumaki ang volume ng tubig na dulot ng bagyong Isang.
Ayon kay Engr. Carlo Ablan, Manager ng National Irrigation Administration – Magat River Integrated Irrigation System, Dam and Reservoir Division o NIA MARIIS DRD todo ang pagbabantay at pagmonitor sa pagtaas ng level ng tubig sa magat dam.
Sa ngayon ay hindi pa umabot sa spilling level o malayo pa sa critical para magpakawala ng tubig dahil hindi nakaapekto ang pag-ambon sa upper stream.
Dahil dito, hindi pa ito mangangailangan ng pagbubukas ng gate. Magagamit muna umano ang karagdagang suplay ng tubig para sa power generation.
Gayunpaman, nananatiling nakaantabay ang NIA-MARIIS at hindi inaalis ang posibilidad ng gate opening.
Hanggang sa ngayon patuloy nilang mino-monitor ang lagay ng watershed at ang daloy ng tubig sa dam upang masiguro ang kaligtasan ng mga komunidad sa downstream areas.
Kaugnay nito, tiniyak ng NIA-MARIIS na nakahanda at gumagana ang kanilang mga early warning system, kabilang ang mga sirena at public address system sa mga bayan na direktang dadaanan ng tubig gaya ng Ramon, San Mateo, Aurora, at iba pang lugar na nasa kahabaan ng Magat River.
Samantala, hinimok din ng ahensya ang mga lokal na pamahalaan at residente na manatiling alerto at makinig sa mga abiso ng disaster officials lalo na kung lalakas pa ang epekto ng nararanasan bagyong Isang.