Patuloy ang pagpapakawala ng tubig mula sa Magat Dam matapos umabot sa 189 meters above sea level (masl) ang lebel ng tubig sa reservoir nito.

Ayon sa monitoring ng dam management, ang inflow o pumapasok na tubig sa dam ay nasa 769.24 cubic meters per second (cms) habang ang kabuuang outflow ay mas mataas na nasa 1284.22 cms.

Kasama rito ang 317.22 cms na inilalabas ng Magat Hydro Power Plant na may kapasidad na 388 megawatts.

Bukod dito, nanatiling tatlong spillway gate ang kasalukuyang nakabukas na may kabuuang 5 meter opening, na naglalabas ng tubig na umaabot sa 967 cubic meters per second.

Dahil dito, umabot sa 1192.85 cms ang kabuuang discharge na dumadaloy papunta sa Magat River.

-- ADVERTISEMENT --

Bagamat 190.00 meters above sea level ang itinuturing na Normal High Water Level, lumampas na rin ang lebel ng tubig sa rule curve o guide level na 183.30 masl, kaya’t isinagawa ang controlled release upang mapanatiling ligtas ang integridad ng dam.

Pinapayuhan naman ang mga residente sa ibabang bahagi ng Cagayan at Isabela, partikular sa mga bayang malapit sa Magat River, na maging alerto at sumunod sa abiso ng mga lokal na awtoridad.