TUGUEGARAO CITY-Dadagdagan ng Magat dam sa Ramon, Isabela ang alokasyon ng tubig sa paglikha ng kuryente simula May 6 upang masiguro ang sapat na suplay ng kuryente sa midterm elections.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Engr. Eduardo Ramos, manager ng Magat dam na magdaragdag ng 10 cubic meters mula sa kasalukuyang 30 cubic meters ang ibibigay ng Magat na volume ng tubig sa SN Aboitiz para sa power generation.

Ayon kay Ramos, magtatagal ito hanggang sa may 21 upang matiyak ang maayos na electricity supply sa mismong araw ng halalan lalo’t kailangan ang kuryente sa automated voting system.

Samantala, bahagyang tumaas ang lebel ng tubig ngayon sa Magat dam na nasa 173.1 meters bago ang below normal curve level na 160m.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Ramos na nagkaroon ng mga pag-ulan sa water shed area ng Magat dam kaya bahagyang tumaas ang tubig.

Kasabay nito, pinayuhan ni Ramos ang mga magsasaka na umpishan na ang paglilinis sa mga sakahan bago ang pagbibigay ng tubig sa irigasyon sa June 3 upang paghandaan ang susunod na planting season.

Matatandaan na itinigil ng Magat River Irrigation System ang suplay ng tubig sa mga irigasyon sa mahigit 80,000 hectares na sakahan sa Isabela dahil sa tagtuyot.

Una na ring nagpaabiso ang NIA sa mga magsasaka tungkol sa cut off ng supply ng tubig at pinayuhan ang mga ito na baguhin ang cropping season at magtanim ng maaga.