Malapit na sa critical level na 160 meters above sea level ang Magat dam sa Ramon, Isabela.
Sinabi ni Engr. Roldan Bermudez, acting manager ng National Irrigation Administration Magat River Integrated Irrigation System o NIA MARIIS na ang lebel ng tubig sa Magat kamakalawa ng hatinggabi ay 164.89 meters above sea level.
Ayon kay Bermudez na dahil dito ay hindi na kayang suplayan ng Magat ang nasa 11,000 hectares ng palayan sa Quirino at Santiago City at Cordon sa Isabela.
Kaugnay nito, sinabi ni Bermudez na nagsasagawa na sila ng rotational irrigation scheme upang makatipid sila ng tubig para tuloy-tuloy pa rin ang pagpapakawala ng tubig sa mga irrigation canal.
Ayon sa kanya, dinagdagan na rin nila ng 10 percent mula sa 15 percent ang reduction ng tubig sa mga canal.
Sinabi niya na posibleng lalo pang mababawasan ang tubig sa Magat dam sa huling quarter ng taon at sa unang quarter ng 2024 dahil higit na mararamdaman sa panahong ito ang epekto ng El Niño.