Patay ang magkapatid matapos na malunod sa ilog malapit sa San Lorenzo Nature Spring Resort sa Buguey, Cagayan.

Magkayakap ang mga biktima na sina Marianne Erica Yoro, 18-anyos, at si Ricky John Yoro, 13-anyos, kapwa residente sa Brgy. Quinawegan, Buguey, nang sila ay matagpuan ng rescuers.

Sinabi ni Billy Ponce, Head ng Munucipal Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Buguey, nabatid na nagtungo sa naturang lugar ang magkakamag-anak kasama ang mga magulang ng dalawang biktima upang mag-swimming umaga ng June 8, 2025.

Ayon sa kanya, batay sa salaysay ng mga kaanak ay hindi na nakisalo sa kanilang pananghalian ang magkapatid nguni’t inakala lamang nila na nasa ibang bahagi sila ng resort na naliligo.

Napansin lang ng mga ito na nawawala na ang mga biktima nang pauwi na sila kaya nabahala na ang mga ito at humingi ng tulong sa mga opisyal ng barangay at sa mga kinauukulan, hanggang sa matagpuan sila na magkayakap sa ilog.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Ponce na hindi umano napansin ng mga kasamahan ng mga biktima na lumagpas na pala ang dalawang sa bahagi ng resort at pumunta sila sa malalim na bahagi ng ilog.

Nagtulong-tulong pa ang mga awtorirad upang isalba ang mga biktima na sinubukang isugod sa pagamutan nguni’t idineklarang dead on arrival.

Dahil dito, sinabi ni Ponce na pansamantalang isinara sa publiko ang San Lorenzo Nature Park Resort na pinangangasiwaan ng barangay dahil sa ilang mga kakulangan sa safety measures na ipinatutupad.