Selos ang tinitignang motibo ng mga otoridad kaugnay sa nangyaring pananaga sa magkapatid ng kanilang pinsan sa bayan ng Allacapan, Cagayan.
Dead on the spot ang magkapatid na sina Moises, 42 at Roland Cabiles 36 anyos sa pananaga ng kanilang sariling pinsan na si Ricky Balansa, 40 anyos, pawang mga residente ng Barangay Capagaran.
Ayon kay P/Corporal Ariel Beltran ng PNP-Allacapan, habang nag-iinuman sa bahay ng suspek, kagabi ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan nina Moises at suspek.
Ito’y matapos maungkat sa usapan ang ginagawang pananakit ng suspek tuwing nalalasing sa kanyang asawa kung saan takbuhan nito ang bahay ni Moises.
Bagamat naawat ni Roland ang away ng dalawa subalit nang mag-paalam ang mga ito upang umuwi na ay bigla umanong pinatay ng suspek ang ilaw sa kinaroronan ng dalawa at pinagtataga ang mga biktima gamit ang isang jungle bolo o tabas.
Kapwa nagtamo ng tig- tatlong sugat sa ulo at likod ang magkapatid na sanhi ng kanilang pagkamatay kung saan nabiyak pa ang ulo ni Moises.
Nabatid na nagawa pang nanlaban ni Roland kung saan nataga niya sa kamay ang suspek na nakalabas na sa pagamutan.
Samantala, inihahanda na ng pulisya ang kasong double murder na isasampa laban sa suspek na hawak na ng pulisya.