
Niyanig ng magnitude 5.2 na lindol ang karagatang sakop ng Claveria, Masbate nitong Martes ng hapon, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Ayon sa PHIVOLCS, alas-3:04 ng hapon nang mangyari ang tectonic earthquake na may lalim na 10 kilometro at sentro na 20 kilometro sa kanluran ng Claveria. Sinabi rin ng ahensya na isa itong aftershock ng magnitude 5.4 na lindol noong Hunyo 13.
Naitala ang Intensity III sa Naga City, gayundin sa Legazpi City, Albay, Gumaca, Quezon, at Sorsogon City. Wala namang inaasahang pinsala o tsunami dulot ng pagyanig.










