
Isang malakas na lindol ang yumanig sa hilagang isla ng Japan na Hokkaido kaninang madaling araw, ayon sa US at Japanese meteorological agencies.
Ito ang pinakahuli sa sunod-sunod na malalakas na pagyanig na tumama sa bansa.
Ang lindol na may lakas na magnitude 6.2 ay tumama alas-5:23 ng umaga sa timog na bahagi ng Hokkaido, sa lalim na 83 kilometro, ayon sa Japanese Meteorological Agency (JMA), na nagbago mula sa naunang pagtatayang 6.1 magnitude.
Walang inilabas na tsunami alert ang JMA, at ayon sa US Geological Survey, minimal ang pinsala sa ari-arian at banta sa buhay dahil sa kakaunting populasyon sa lugar na nasa humigit-kumulang 200 kilometro silangan ng Sapporo.
Gayunman, sinabi ng isang opisyal ng JMA na sa mga lugar na nakaranas ng malakas na pagyanig, tumaas ang panganib ng pagguho ng lupa at pagbagsak ng mga bato.
Nagbabala rin ang JMA na mataas ang posibilidad ng mga kasunod na lindol na may katulad na lakas sa loob ng susunod na linggo.
Ilang oras bago nito, naganap ang lindol na may lakas na magnitude 5.0 sa dagat, ilang daang kilometro sa timog ng Hokkaido.
Ang mga pagyanig na ito ay naganap wala pang isang linggo matapos magbabala ang JMA tungkol sa mas mataas na panganib ng isang “megaquake”—may lakas na 8.0 o higit pa—kasunod ng lindol na magnitude 7.7 noong nakaraang Lunes sa baybayin ng hilagang bahagi ng Iwate prefecture.
Anim na katao ang naiulat na nasugatan sa nasabing lindol, na yumanig sa malalaking gusali sa Tokyo, na daan-daang kilometro ang layo mula sa pinanggalingan ng lindol.
Bukod dito, umabot sa 80 sentimetro ang taas ng mga alon ng tsunami na tumama sa isang pantalan sa Iwate, habang maliliit na alon din ang naitala sa iba pang bahagi ng hilagang Japan.










